Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

Hindi ninyo pinahahalagahan ang panalangin sa inyong pang-araw-araw na buhay. Kinaliligtaan ng tao ang pagdarasal. Dati-rati ay wala sa loob ang mga pagdarasal, at basta matapos na lang iyon ng tao sa harap ng Diyos. Walang taong lubos na naghandog ng kanyang puso sa harap ng Diyos at tunay na nanalangin sa Diyos. Nananalangin lamang ang tao sa Diyos kapag may dumarating na problema. Sa buong panahong ito, nakapagdasal ka na ba nang tunay sa Diyos? Nagkaroon na ba ng pagkakataong lumuha ka dahil sa sakit sa harap ng Diyos? Nagkaroon na ba ng pagkakataon na nakilala mo ang iyong sarili sa Kanyang harapan? Nakapagdasal ka na ba nang tapatan sa Diyos? Ang panalangin ay dumarating sa pamamagitan ng pagsasanay: Kung hindi ka karaniwang nagdarasal sa bahay, hindi ka posibleng makapagdasal sa iglesia, at kung hindi ka karaniwang nagdarasal sa maliliit na pagtitipon, hindi mo makakayang manalangin sa malalaking pagtitipon. Kung hindi ka karaniwang lumalapit sa Diyos o nagninilay tungkol sa mga salita ng Diyos, wala kang masasabi kapag oras na para manalangin, at kahit manalangin ka, puro salita lang iyon; hindi iyon tunay na panalangin.

Ano ang tunay na panalangin? Ito ay pagsasabi ng nasa puso mo sa Diyos, pakikipagniig sa Diyos habang inuunawa mo ang Kanyang kalooban, pakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, pagkadama na talagang malapit ka sa Diyos, pagkadama na Siya ay kaharap mo, at paniniwala na mayroon kang sasabihin sa Kanya. Ramdam mong puno ng liwanag ang puso mo at ramdam mo kung gaano kaibig-ibig ang Diyos. Nadarama mo na mas inspirado ka, at nasisiyahan ang iyong mga kapatid na makinig sa iyo. Madarama nila na ang mga salitang binibigkas mo ay ang mga salitang nasa kaibuturan ng kanilang puso, mga salitang nais nilang sabihin, na para bang ang iyong mga salita ang kahalili ng sa kanila. Ito ang tunay na panalangin. Matapos kang tunay na manalangin, mapapayapa at masisiyahan ang puso mo. Maaaring mag-ibayo ang lakas na mahalin ang Diyos, at madarama mo na wala nang mas mahalaga o makabuluhan sa buhay kaysa mahalin ang Diyos. Pinatutunayan ng lahat ng ito na naging mabisa ang iyong mga dalangin. Nakapagdasal ka na ba sa gayong paraan?

Magpatuloy sa pagbasa